kunsabagay, bilog ang mundo at bulag ang pag-ibig.
Naisip ko lang, may mga taong walang pinagkakatanda at may mga taong pilit naghahabol ng pagkabata nila kahit napagiwanan na sila nito. (Btw, hindi ka cool, brahh
)
Pero kunsabagay, bilog ang mundo at bulag ang pag-ibig.
Isang kindat lang, maraming pwedeng magbago at sa isang maliit na pagkakataon, maaaring bumaligtad ang mundo. Swak na swak yun engraving sa iPod touch ko no’n, “Slightest accidents open up new worlds.”
Oo, maliliit na aksidente lamang tayong nangyari sa ibabaw ng lupa. Aksidenteng ikaw ang natipuhan ko noon dahil malungkot ako at aksidenteng nagkakitaan naman kayo sa subway ng MRT noong nakaraan. Ngunit sa lahat ng ito, laging may mga desisyong kaakibat, maaaring palampasin lamang ang isang aksidente o ipagpatuloy hanggang sa hindi mo alam kung saan ka dadalhin…
Huwag lamang tayong pipili ng mga aksidente na makakasagasa ng ibang tao, nang walang pakundangan.
Dahil lagi’t lagi, may mga karapatan tayong mamili, ngunit wala tayong karapatang manggulang ng iba. At kung sakaling piliin man nating mang-isa (hindi man o sadya-may ganon?) siguraduhin nating tahimik ang dating, tahimik ang tyempo… dahil iba iba ang daynamiks ng damdamin ng mga tao: ang mga inaakala nating mga tanga-tanga, mautak rin pala.. at ang mga nagdudunung-dunungan, ay isa rin naman palang tanga.
Bakit ko sinasabi ‘to? Dahil naiintindihan ko. Naiintindihan ko ang libog ng mga tao, dahil tao lamang tayo at nakakaramdam, naiintindihan ko ang iba ibang kulay ng mga puso, ang mga pabugso-bugsong tulak ng mga damdamin, dahil lahat ng ito, hindi estranghero sa dibdib.
Hindi ito nasusukat sa kung gaano katagal tayong nabuhay sa ibabaw ng lupa, hindi ito nasusukat sa numero ng pagkatanda, nasusukat ang lahat ng ito sa panahong ginugol natin upang makaranas, at makaramdam.
Marami na akong narinig na ganitong kwento, hanggang sa ako na ang tanghal na kwento sa entablado. Pinanonood nang may kasamang awa, tawa o kutya.. (o natutuwa ka na, brah?
)
Sa kabila nito, walang dahilan para magtago. Maraming dahilan, maraming paraan para magtago, pero kagaya ng ibang bagay, sumisingaw tayo nang hindi natin namamalayan, nang hindi natin napipigilan….umaalingasaw ang mga tunay na amoy ng mga pagkatao.
Kaya sa banda rito, maghihintay na lamang akong sumingaw ang masangsang na katotohanan dahil hindi maglalaon, mawawala rin naman ang lahat ng itong mistulang mga bula sa kalangitan.