Bukas, dahil nariyan ang buong araw, at wala tayo.
Bukas, maguumpisa ang araw ng walang pagbati ng ngiti at halik, walang mga salita gaya ng “mahal kita, salamat”, ang gigising sa akin.
Babangon akong marahil may bahid ng lungkot, at kaunting pait sa mga mata. Ngunit, magbabaon ako ng kaunting bait kahit na mahirap dalhin ang bigat ng dibdib.
(Mahal, hindi ko pinapalitan ang kobre-kama, naiwan pa ang amoy ng buhok mo sa unan at nakadikit pa rin sa kumot ang bango ng huli nating pinagsaluhang gabi.)
Bukas, paglalamayan ko ang buong bukas, hanggang mapakawalan ko ang araw, ang tanghali.. ang gabi, at babalik ako sa kama nang mag-isa, at nilalamig.
Bukas, makikipagtuos ako sa mga mang-uusig na sandali, manunuksong tingin ng telepono, at higit sa lahat, kakalabanin ko ang mga impit na hiyaw sa isang sulok ng aking puso, hanggang mag-agaw buhay ang isip at dibdib, hanggang manaig ang dikta ng utak, hanggang mawala na ang lahat.
Sana manaig naman minsan ang dikta ng utak.