Gusto ko iyon. Kung paanong walang gatol mong ibinibigay ang sarili. Sa harap ng salamin, sinilip mo ang maliliit na siwang ng iyong pagkatao. Nakita mo sa ‘yong mga mata ang payak na tanda ng paninindigan, lumingon ka kung saan nanggagaling ang aking tinig at walang kakurap-kurap mong sinabing, “Oo, handa na ako”.
Lumapit ka upang saluhin ang takot na kumakawala sa aking buntong hininga Isa isa mong kinalas ang mga lumipas nang mga araw sa kalendaryo at binuhul-buhol na magkakasama ang mga buwan at isinilid sa isang kahon para sa mga alaala. Handa ka na, ang sabi mo. Kahit hindi ko matanto ang ibig-pahiwatig ng mga kamay mong pinagpapawisan at ang hindi mo mapigilang pagtayo-upo.
Hindi ko alam. Anong prinsipyo ang bitbit mo, ang bumubuo sa iyo ngayon, huhugutin mo ba ito ayon sa mga gatla sa iyong palad na hinihimas-himas kanina ng manghuhula sa labas? O magmumula riyan sa nakaguhit na marka sa iyong pisngi na pangunang swerte ika ng iyong ina? Hindi ko alam kung anong tagpo ang sasalubong sa atin kinabukasan. Walang gitil ng pawis sa aking noo o sa aking palad. Magaan na ang paghinga. Pagbabadya man ito ng kasiguraduhan o hindi, sasabihin ko na ring: “Handa na ako.”
